Dahil sa patuloy na pag aalburoto ng Taal Volcano, kasabay nito ay ang patuloy din na pagkawala ng tubig ng ilang parte ng ilog na konektado sa Taal.
Kamakailan lamang ay ginulat ang ilang residente ng Batangas matapos nilang makita na tila halos paubos na ang tubig ng ilang parte ng Pansipit river.
Ang naturang ilog ay sinasabi ding drainage ng Taal Lake papunta sa Balayan Bay.
Ito ay mayroong haba na nasa 9 kilometro at konektado rin dito ang bayan ng San Nicolas, Agoncillo, Taal, at Lemery.
Sa nakalipas na mga araw, maraming mga larawan ng unti unting pagkatuyo ng naturang ilog na kuha ng mga netizens na malapit sa Pansipit river ang kumakalat sa iba't ibang socmed platforms.
Ayon naman sa ulat ng ABS-CBN News, ilan sa mga tao sa barangay Tatlong Maria ang nagagawa pang makapamingwit ng ilang mga isda sa nasabing ilog noong Martes, January 14, ngunit, nagsimula nang matuyo ang parteng ito ng ilog noong Miyerkules, January 15.
Ilang mga residente naman na malapit sa ilog at sa karatig ilog na konektado sa Taal ang nagsamantala sa pagkatuyo ng tubig ng ilog para sila ay makahuli o makakuha ng maraming isda na maaari nilang mabenta at kainin.
Ilang lugar na rin sa Batangas ang nagkakaroon ng pagkabitak bitak ng lupa, ibig sabihin, ang lebel ng magma ay nagpapatuloy pa rin sa pagtaas at kahit anong oras ay posible itong sumabog.
Sa kasalukuyan naman ay nasa Alert Lever 4 pa rin ang level status ng Taal Volcano.
Ipinapaalala naman ng DOST-PHIVOLCS na kinakailangan ng mag evacuate ng mga residente sa Taal Volcano Island at sa ilang mga lugar sa Batangas na nakapaloob sa 14-km na radius mula sa Taal Main Crater, kasama na rito ang lugar na mayroong fissuring na na-obserbahan sa may Pansipit River Valley.
COMMENTS